SELF-HELP BOOKS
MGA LIBRONG NAKATUTULONG SA PAGPAPA-UNLAD NG SARILI
Isinulat Ni Justine Sendiong
Marami sa atin sa panahon ngayon ang nalilito o nahihirapan humanap ng paraan kung paano mas mapapaunlad pa ang ating mga sarili upang mas maging magaling pa tayo sa iba't-ibang bagay. Sa sobrang gulo ng mundo at sa napakaraming bagay na nakikita natin sa internet, madalas naiisip natin kung paano tayo magiging katulad ng ibang tao. Naikukumpara din natin ang ating mga sarili sa ibang tao dahil mas magaling sila sa ibang bagay.
Ang mga libro na kung tawagin ay "self-help books" ay maaring maging gabay ng bawat isa sa atin kung paano mas maging epektibo sa paggawa ng iba't-ibang bagay na makatutulong sa atin upang maging matagumpay sa buhay.
Tatalakayin ko sa blog na ito ang mga libro na pumukaw sa aking atensyon na kung saan sa aking palagay ay maaring makatulong sa ibang tao.
My Ipon Diary
Ni Chinkee Tan
Ang librong ito ay naglalaman ng mga tips kung paano mas magiging epektibo ang pagtitipid ng isang tao. Magandang mabasa ang librong ito sapagkat bibigyan ka nito ng step-by-step na pamamaraan kung paanong maiiwasan ang paggastos ng labis at kung ano-ano ang mga dapat isaalang-alang upang maging mabisa ang paraan ng pag-iipon.
Nakatutuwa ding basahin ang librong ito sapagkat ang uri ng font na ginamit pati na din ang disenyo nito ay hindi boring tignan. Maaliwalas din sa mata kung basahin ang librong ito, mayroon lang din itong katamtamang laki kung kaya kasya ito kahit sa maliit na bag lamang at pwedeng dalhin kahit saan.
Nais kong irekomenda ang librong ito sa mga taong katulad ko na hirap magtipid at mag-budget ng pera. Lalo pa nga at uso sa panahon ngayon ang mga "cravings" at napakarami ding mga bagong kagamitan na usong-uso kung kaya ninanais ng nakararami na bumili ng mga ito.
Ang bawat hakbang sa pagtitipid na nakapaloob dito ay talaga namang kaaya-ayang gayahin. Mayroon din itong pamamaraan kung paano hahatiin ng maayos ang kita ng isang tao upang hindi basta-basta lamang gumastos at magwaldas ng pera.
The Subtle Art of Not Giving a F*ck
Ni Mark Manson
Ang librong ito ay nai-published noong 2016, kung saan ay napasama din sa listahan ng New York Times bestseller.
Nakapaloob sa librong ito kung paanong ang mga pagsubok na nararanasan sa ating buhay ay siya ring naghuhulma ng ating pagkatao. Tinatalakay din nito ang tatlong yugto na nararanasan at mararanasan natin sa mundong ito, ang kamatayan, paghihirap, at ang pagiging masaya.
Sinasabi ni Mark Manson sa librong ito na kailangan nating tanggapin ang katotohanan na maari nating maranasan sa mundo, isa na dito ang katotohanang ang paghihirap ay hindi maiiwasan, at ang katotohanang kahit ano pang sabihin o isipin ng iba, ang bawat isa sa atin ay mali tungkol sa ibang bagay.
Nakatutuwang basahin ang librong ito lalo na sa panahon ngayon kung saan ang bawat tao ay may kanya-kanya nang opinyon sa buhay. Madalas dahil sa mga opinyon na ito kung kaya ang mga desisyon natin sa buhay ay naapektuhan, maging ang ating pagkatao ay iniiba din natin para lamang umayon tayo sa kagustuhan ng iba.
Kung babasahin mo sa simulang kabanata ay mapapansin na ang mga salitang ginamit ni Manson ay lubhang magaspang, kung kaya talagang tatak ang mga ito sa magbabasa, ngunit ganunpaman, sa bahaging ang usapan ay patungkol na sa kamatayan, ay naging inspirasyunal naman ang mga salitang mababasa mo dito.
Isa ito sa mga librong paborito ko sapagkat tuturuan ka nito kung paano harapin ang buhay at tanggapin ang bawat pagkakamali na nagawa mo. Hindi tayo matututo kung hindi tayo magkakamali, kung kaya imbes na palagi nating isipin ang mga bagay na nagawa nating mali noon, mas magandang tingnan natin ito upang maging hagdan sa unti-unti nating pagbabago.
Atomic Habits
Ni James Clear
Ang librong ito ay nai-published noong 2018, kung saan ang pinaka-sentro ng tema nito ay kung paanong ang mga masasamang kinaugalian o habits ng isang tao ay maari pa nitong baguhin.
Madalas sa atin, may mga kaugalian tayo na akala natin ay okay lang at hindi nakakaapekto ito sa ating pagkatao. Nakakalimutan din natin minsan na ang basta aksyon o kilos na ating ginagawa ay maari ring makaapekto ng ibang tao.
Ang librong ito ay makatutulong sa bawat isa sa atin na baguhin ang mga masasamang habit na hindi natin napapansin ay may malaki palang epekto sa ating pagkatao. Nakapaloob din dito ang ang framework na kung tawagin ay Four Laws of Behavior Changes.
Maaring makatulong ang librong ito upang mabago natin ang ating habits na hindi maganda at mas maging epektibo pa ng 1% kada araw. Tinuturuan ng librong ito ang mga mambabasa kung paano iwanan ang mga masasamang gawain at makabuo ng mabuting habits sa pamamagitan ng pagsunod sa bawat hakbang na nakapaloob dito.
Sinasabi din ng librong ito na ang mga malilit na kaugalian ay maaring may malaking epekto sa ating pagkatao kung kaya hindi maliit ang 1% na pagbabago sa araw-araw dahil mas mabuti na ito kaysa sa walang pagbabago.
Kung sa tingin natin ay mayroon tayong hindi magandang kaugalian ay matutulungan tayo nang librong ito upang mas maging angat na bersyon ng ating mga sarili. Nakatutuwa lamang ang nilalaman nito dahil talagang mare-realized ng mambabasa na mahalaga ang bawat hakbang kung gugustuhin nating maging isang mabuting indibidwal, hindi lamang para sa mga taong nakapaligid sa atin, kundi mas lalong para sa ating sarili.
Rich Dad Poor Dad
Ni Robert T. Kiyosaki
Kung usapang pang-pinansyal naman ang nais mo, ay sakto ang librong ito para sa iyo. Tinatalakay sa librong ito ang kahalagahan ng sapat na edukasyon patungkol sa pinansyal. Nai-published ang librong ito noong 1997 kung saan naisalin na din ito sa iba't-ibang wika kung kaya hindi na mahihirapan ang mga mambabasa na basahin ito kung sakaling interesado sila sa librong ito, tinagurian ding #1 finance book ang librong ito.
Umiikot ang tema ng librong ito sa dalawang ama, kung saan ang isa ay mayaman, ang isa naman ay mahirap, dahil din sa dalawang ama na ito kung kaya nagkaroon ng sapat na pananaw si Kiyosaki kung paano maging matalino sa pagkita ng pera.
Hinuhubog ng librong ito ang kaisipan ng mga mambabasa kung paano mas maging matalino sa pamamaraan ng pagkakaroon ng financial freedom. Sinasabi dito ni Kiyosaki na dapat hindi tayo nagtatrabaho para sa pera, bagkus dapat ang pera ang nagtatrabaho para sa atin.
Napakagandang mabasa ng bawat isa ang librong ito sapagkat sino ba naman sa atin ang ayaw umangat sa buhay. Mahalaga din ang laman ng librong ito lalo na sa panahon ngayon na napakahirap ng buhay at napakamahal ng mga bilihin. Kung magkakaroon tayo ng sapat na edukasyong pang-pinansyal ay mas mapapabuti natin ang pamamaraan ng pagpapalago ng ating salapi na maaring magdulot ng tagumpay natin sa buhay. Bibihira lamang ang ganitong nga kaalaman, maging sa eskwelahan ng hindi naman lahat naituturo ang tungkol sa pagpapalago ng pera, tulad ng investment, na kung matalakay man ay pahapyaw lamang.
Importanteng mabasa ang librong ito para sa akin dahil alam kong madaming nangangailangan ng kaalaman na nakapaloob dito. Nahuhubog nito ang kaisipan ng bawat isa kung ano ang mga dapat gawin upang umasenso sa buhay nang hindi umaasa lamang sa buwanang sahod na natatanggap ng mga empleyado mula sa mga kompanyang pinagtatrabahuhan.
Comments
Post a Comment