KASARIAN
"USAPANG KASARIAN"
Isinulat Ni Justine Sendiong
Sa panahon natin ngayon, laganap na ang napakaraming pagkakakilanlan, lalo na sa kasarian. Kung noong mga unang henerasyon ay hindi pa gaanong tanggap ang bakla at nahuhusgahan din ang mga tinatawag na tomboy, ngayon ay katanggap-tanggap na ito sa lipunan at madami na ang mga adokasiya na nagpapalaganap ng pagpapahalaga sa bawat sekswalidad. Dahil talamak na din nag mga mas ikatlong kasarian kung kaya tinawag na silang kaanib ng LGBTQIA+.
Ang litratong ito ay kuha mula sa Google.Kung ako ang tatanungin ay wala naman din akong sapat na kaalamanan patungkol sa mga sekswalidad na mayroon tayo sa ngayon, madalas pa nga ay nalilito at hindi ko rin matindihan ang mga iyon. Ngunit hindi naman iyon bago, madami pa din sa henerasyon namin sa ngayon ang hindi pa din lubusang kilala ang kanilang mga sarili, nalilito pa rin sila sa kanilang pagkatao. Kahit na kasi sabihin pag nating normal na lang ang ikatlong kasarian o pagkakakilanlan sa ngayon, ay hindi pa din maiiwasan ang mga matang mapanghusga.
Maging ako man ay nakaranas na malito sa kung ano ba talaga ako, siguro ay dahil din ito sa mga taong nakapaligid sakin at naiimpluwensyahan ng nila ang mga pagtingin ko sa mga bagay-bagay. Madalas pa nga ay nakakaramdam ako na sobra akong nagagandahan sa babae na kung minsan ay natatanong ko na rin ang aking sarili kung straight pa ba ako. Hindi lang isang beses ko maramdaman ang pagkalitong iyon patungkol sa aking sekswalidad, maraming beses na iyong naulit. Pero kahit na sa tingin ko ay nagkakagusto ako sa isang babae ay agad-agad din namang napapawi iyon, na nagiging dahilan ng muling pagkalito ko sa aking sarili.
Madami din akong mga kaibigan na kasama sa ikatlong kasarian kung kaya kapag may napagsasabihan ako ng nararamdaman ko ay hindi ko nararamdaman na kakaiba ako o hindi normal ang nararamdaman ko. Suportado ko din naman ang mga kaibigan ko sa mga pinili nilang pagkakakilanlan, para sa akin kasi, wala akong karapatan na hadlangan kung saan sila masaya, bagkus ay dapat ko silang suportahan sa mga bagay na makakapagpakita kung sino talaga sila nang walang panghuhusga.
Ang litratong ito ay kuha mula sa Google.Naranasan ko na ding dumalo sa Pride March noong 2019, masasabi kong napakasaya nung araw na yun, lahat ay nagkakaisa, parang kapag nandun ka kaibigan mo lahat, kahit ano man ang kasariang mayroon ka, mararamdaman mong tanggap ka ng lahat ng tao sa pagtitipong iyon. Madami ding mga artista ang nakiisa noong araw na iyon, kahit na nga maulan ay hindi napigil ang nagkakasiyahan ng bawat isa. Dahil sa pagdiriwang na iyon, mararamdaman mo talaga na walang panghuhusga kahit na tingin mo ay naiiba ka sa kanila. Madami dito ang mayroong hawak na mga placard na may nakasulat na "Free Hugs". Nakatutuwa nga lang dahil talagang gumagawa ng paraan ang bawat isa upang maramdaman nang lahat na katanggap-tanggap sila.
Wala namang mali kung piliin mo ang katauhang makapagpapasaya sa iyo. Magiging mali lamang iyon kapag ginamit mo na ang sarili mo upang mang-apak ng ibang tao. Magiging mas masaya din sana ang mundo kung lubos na tatanggapin at uunawain ng lipunan ang mga kasapi ng LGBTQIA+ Community.
Kung babalik naman tayo sa ibinahagi kong pagkalito ko sa aking sarili, masasabi kong hindi ko pa din sigurado pero nararamdaman ko na hindi pa din ako kasapi ng LGBTQ, pero hindi ko itatanggi na bukas ang aking isipan kung sakaling naisin ko ding umibig sa isang babae. Ang magagawa ko na lang din sa ngayon ay bigyang lakas ang mga taong pinanghihinaan ng loob dahil sa tingin nila ay kahusga-husga ang kasariang kanilang pinili.
Comments
Post a Comment