KASARIAN — "Hindi ko pa tiyak,"
"Hindi ko pa tiyak,"
Isinulat ni: Kyla Ababa
Isang katotohanan sigurong 'di alam ng nakararami ay isang napakahabang journey o "paglalakbay" ang pag-alam nang buo sa iyong sariling identidad. Ako, bilang parte ng LGBTQIA+ community at may kasintahang babae, hindi ko pa sigurado kung ano ba ang tunay na identidad ko. Isa ba akong bisexual o lesbian?Huli na nang malaman kong pwede palang maging romantic attraction ang nararamdaman ko para sa mga babae. Marami sa kanila ang nagagandahan ako, at marami rin sa kanila ang hinahangaan ko dahil sa taglay nilang sipag at talino. Tanda ko noon, nasa ika-sampung baitang ako at tinanong namin sa isa't isa ng iilan kong kaklase kung sino ang masasabi naming crush namin sa aming classroom. Nagbanggit ako ng panggalan noon ng isang babae na lubos kong hinangaan dahil higit sa siya ay maganda, siya ay sadya ring matalino at masipag. Matalik na kaibigan ko rin siya noon at madalas kaming magkakwentuhan tungkol sa aming mga naging karanasan. Huwag niya sanang makalimutan na isa siya sa mga taong palagi kong hahangaan.
Dumating ang pandemya, at doon nagsimula ang "virtual life" ng halos lahat sa atin. Grade 12 naman ako nang makilala ko ang unang babaeng naging ka-"M.U." ("mutual understanding" kung tawagin naming Gen-Z) ko sa loob ng walong buwan hanggang sa biglang hindi na kami muling nag-usap. Pero sa kabila noon, maituturing ko iyong isang masaya at magandang experience. Nagmahal ako nang totoo noon, at ganoon din ang nakuha ko pabalik. Iyon nga lang ay limitadong oras lamang ang binigay sa amin ng panahon upang maging para sa isa't isa.
Ilang buwan ang lumipas, halos mag-iisang taon, nang makilala ko naman ang aking kasalukuyang kasintahan. Ngayon ay kaka-11 months lang namin, at mag-iisang taon sa pagtatapos ng Disyembre. Napakasaya kong siya ang aking kasama sa araw-araw at literal na kami ang mag-partner sa lahat ng aming mga ginagawa.
Ito ang ilan sa paborito kong larawan namin na may kaunting kwento:
Matapos kong manalo sa Ms. and Mr. Tourism Ambassador sa Benilde Antipolo noong nakaraang taon, kaliwa't kanan ang mga nakukuha kong exposure sa school. Sa larawang ito, nasa event kami ng photography organization ng eskwelahan, ang Animo Lucere, at kasama ko siya roon kung saan naging model/subject ako na kailangang kuhaan ng litrato ng mga participants ng event.
Ito naman ay noong lumaban ako bilang Benilde Antipolo Muse sa Batangas. Sinamahan niya ako sa tatlong araw na nasa Batangas kami. Mabuti na lamang at ganoon dahil kung hindi, nawala na ako noon sa napakalaking lugar.
Hindi ko maalala kung ano ang nangyari noong araw na ito, ngunit siguradong nag-date kami at ito ay sa isang milktea shop kung saan nagkukwentuhan lamang kami. Gusto ko itong larawan na ito dahil napakasaya niyang tignan habang ako ay nakahalik sa kanyang noo.
Panghuli ay itong larawan ng litratong nakuha namin sa Timezone noong aking kaarawan. Masayang-masaya ako noon dahil maliban pa sa mga regalong ibinigay niya sa akin na isang librong kanyang ginawa na puno ng kanyang mga tula para sa akin at isang spoken poetry, lumipas din ang araw na magkasama kami.
Tingin ko, para sa akin, hindi ko tiyak na masusukat o made-define ang aking identidad, ngunit alam ko na ang aking puso ay tunay na nagmamahal ng babae lamang. Hindi ko naranasan ang ganito noong kami ng ex-boyfriend ko noong ako ay Grade 9.
Maaaring may mga tao ring tulad ko na hindi pa lubusang alam kung nasaan sila sa spectrum ng gay community, at gaya ko, nahihirapan pa talaga silang pag-isipan kung ano ba sila. Isa lamang ang masasabi ko tungkol sa sitwasyong ito at iyon ay, hayaan lamang natin ang sarili nating magmahal at iyon ang magdidikta kung sino at ano ka tayo. Sundin natin ang ating mga puso na siyang magbibigay sa atin ng kasiyahan at kalayaan sa pagmamahal.
Comments
Post a Comment