PANGALAWANG LINGGO - MEDIA

PSYCHOLOGICAL MOVIES - 3 International, 1 Local  

Isunulat ni: Kyla Ababa

    Isa ako sa mga taong—kung mayroon manhindi sobrang nae-enjoy ang panonood ng mga pelikula, mapalokal man ito o international. Ang hilig ko lamang na panoorin ay anime, o 'di kaya nama'y donghua (isang palabas na tulad sa anime ngunit sa bansang China nagmula). Sa kabila nito, sa blog na ito ay magbabahagi ako ng apat na pelikulang nasiyahan akong panoorin dahil sa genre nitong psychological.

1. GERALD'S GAME
    Magsisimula ako sa isang international film na inilabas noong 2017. Ang pamagat nito ay "Gerald's Game," at mapapanood ito sa Netflix. Tungkol ito sa mag-asawang pumunta sa isang rest house at doon sinubukan ayusin ang kanilang relasyon matapos maging emotionally distant mula sa isa't isa. Nagsimula ang suliranin nang may nangyaring masama sa dalawang mag-asawa, lalo na sa babaeng si Jessie na nag-trigger sa kanyang trauma na nakuha noong bata pa siya.

    Para sa mahilig sa mga psychological na palabas na kagaya ko, isang magandang pelikula ito dahil ipinapakita rito ang mga tendency ng isipan ng isang tao kung siya ay may kinakaharap na problema at hindi iyon nasolusyunan kailanman. "Hinahabol" sila nito (ng trauma) hanggang sa sila ay tumanda, at maaaring mag-manifest o ma-trigger ang trauma na ito sa kahit anong pagkakataon.

    Sa pagtatapos ng palabas, masasabi kong hindi ako sobrang na-satisfy sa konklusyon nito sapagkat iyon ay simple lamang. Ngunit sa lubusan pang pag-iisip tungkol dito, nasabi ko ring siguro ay para ito sa mga taong totoong nakakaintindi ng lahat ng nangyayari sa kwento. Hindi man ito magandang konklusyon para sa akin, maaaring kabaliktaran naman noon ang tingin ng iba.

    Mare-rate ko ito, ang "Gerald's Game," ng 8/10.

    May spekulasyon akong ang sumulat ng kwentong ito ay pareho sa iba pang palabas na gusto ko, kaya't posibleng masubaybayan ko pa ang iba niya/nilang mga obra.


Ang movie poster na ito ay galing sa imdb.com
Panoorin ang pelikulang ito sa Netflix

2. HYPNOTIC

    Ang "Hypnotic" ay isa ring American film na inilabas naman noong 2021. Pinangungunahan ito ni Kate Siegel bilang "Jenn" sa palabas; na ang karakter din ay may pinagdadaanan sa puntong iyon ng kanyang buhay. Dahil sa ganoon niyang sitwasyon, kinailangan niyang magpatingin sa isang psychiatrist na ginamit ang technique ng "hypnosis" para malaman ang mga bagay na nasa isipan ni Jenn na hindi niya kayang sabihin nang pasalita. Kaya't sa bawat session nila ng kanyang psychiatrist na si Dr. Meade, pinapatulog siya nito bago simulan ang pagtatanong.

Matapos ang ilang sessions, napansin ni Jenn na may kakaibang nangyayari sa kanya, at sa pagkakataong iyon ay sinimulan niya ng suspetsyahan ang doktor. Ang susunod na mga pangyayari ay tungkol sa kung paano siya makakawala sa "pagkakulong" na ginawa sa kanya ni Dr. Meade na sa kabila ng pagiging doktor ay may tinatago rin palang lihim.

Sobra kong nagustuhan ang palabas na ito, at ayon nga sa bokabularyo ng Gen-Z, "dsurv" nito ang 10/10 rating. Panonoorin ko ulit ito sa pagkakataong naisin ko.


Ang movie poster na ito ay galing sa imdb.com
Panoorin ang pelikulang ito sa Netflix

3. THE LOST PATIENT

    Ang pangatlo sa listahan ay isa namang French film na may pamagat na "The Lost Patient." Pinangungunahan ni Txomin Vergez bilang "Thomas," at Clotilde Hesme bilang "Anna" na siyang psychiatrist ng pangunahing karakter.

    Nagsimula ang kwento sa pagkakagising ni Thomas mula sa ilang taong pagkaka-coma matapos matagpuang patay sa kanilang bahay ang buo nilang pamilya. Naging kaso itong kailangang resolbahin, at para magawa iyon ay nagsimula ng bisitahin ni Anna si Thomas upang siya ay kumustahin.

    Sa patuloy na sessions ng pasyente at doktor, unti-unting naging malinaw ang lahat ng mga nangyari at kung paanong umabot sa ganoong sitwasyon ang kwento. Nakamamangha ang pagkakagawa nitong pelikula dahil nagsasalit-salit ito sa parehong kasalukuyan at nakaraan upang maipakita ang mga naging karanasan ni Thomas noong bata pa lamang siya na nagresulta sa katangian niya paglaki.

    Nakagugulat din ang turn of events nito, at sa huli ay magbibigay ito ng ilang realisasyon tungkol sa kung ano ang nangyayari sa isip ng isang tao kung siya ay lumaki sa isang hindi maayos na tahanan at kapaligiran. Tinutumbok din nito ang pakiramdam ng "sympathy" mula sa mga manonood na katulad ko dahil sa panghihikayat nitong mas intindihin pa natin ang mga tao sa ating paligid kaysa husgahan sila.


Ang movie poster na ito ay galing sa imdb.com.
Panoorin ang pelikulang ito sa Netflix

4. DELETER

    Ang panghuli, para sa isa namang local film, ay ang "Deleter" na pinangungunahan ni Nadine Lustre bilang Lyra. Ang pelikulang ito ay nagkamit ng walong karangalan sa 2022 Metro Manila Film Festival mula sa labing-isang category na nominated ito. Kasama sa mga naging karangalan nito ay ang pagkakakilala bilang Best Picture of 2022 MMFF.

    Horror ang pangunahing genre ng pelikulang, at ang pinagmulan ng katatakutang ito ay ang mga nakakabahala o disturbing videos na nakikita ni Lyra sa kanyang trabaho. Bilang isang content moderator, kailangan niyang magtanggal ng videos online kapag ito ay hindi pasok sa general online community guidelines.

    Isa sa mga video na ni-delete niya ay ang pagkamatay ng kanyang katrabaho matapos tumalon mula sa kanilang building. Bilang tanging kaibigan ng kanyang katrabaho na si Aileen, ramdam ni Lyra ang pagsisisi nang hindi niya ito nilapitan kahit alam niya ang hindi magandang karanasan ni Aileen sa kompanya na naging dahilan ng kanyang pagsu-suicide.

    Intense ang naging pagtatapos ng palabas dahil sa nakakatakot na mga pangyayari dito, at nakakabagabag din ang nangyari kay Lyra sa pinakadulo.

    Nag-iwan ito ng maraming tanong sa mga tao, kasama na ako, at masasabi kong hindi ko maintindihan ang "hype" na nakuha nito nang ipalabas ito sa mga sinehan. Ire-rate ko itong 7/10 dahil hindi klaro sa akin ang simula at dulo nito. Maaari pa itong tumaas (ang rating) kapag naintindihan ko na nang buo ang bawat pangyayari.


Ang movie poster na ito ay galing sa imdb.com.




Comments

Popular posts from this blog

KOREAN RESTAURANTS DITO SA PILIPINAS

SciFi Genre